
“Miss, pabili nga po. Siopao, ‘yung special ha!”
“Manong, isang order nga ng pansit bihon; ‘yung special ha!”
“Ale, tatlo nga pong halu-halo special.”
Napansin ko lang … maraming pagkain at produkto ang mayroong kategoryang regular at special. Siyempre, mas mahal yung special; kasi nga special, ‘di ba? Mas maraming sahog, mas masarap ang timpla, mas maraming laman; gaya ng siopao special. (Teka, naglaway tuloy ako; iniisip ko pa lang ang Henlin Siopao! Yummm!)
Special trip, special offer, special discount, special tour packages; kay rami-raming special sa mundo. Ang sigurado dito, kung may choice ang tao, kung kaya niyang bumili ng special o mag-avail ng special packages, tiyak namang mas pipiliin ang special, ‘di ba? Eh kasi nga special!
Eh paano naman kung special kids ang iaalok sa iyo? Buong puso’t kaluluwa mo ba itong tatanggapin?
“Yan ang kaisa-isang ‘special’ na pinangangambahan naman ng maraming magulang. At kapag may ganoon kang anak, ang karaniwang maririnig mo ay “kawawa naman sila, special child ang anak nila; autistic pala! Ang malas naman nila.”
Malas daw kasi mahirap alagaan; mahirap intindihin.
Oo, totoo naman. Pero alam n’yo ba kung ano ang katangi-tangi sa pagkakaroon ng special kids?
Well, ang iyong pagiging special parent!
Tama! Pagkat ang special kids ay nababagay sa mga special parents lamang. Ang sinumang masinop na nag-aaruga at nagmamahal sa kanilang special kids ay tunay namang special din! Kasi nakakaya nilang unawain at tanggapin ang kakaiba sa kanilang mga special na anak. O ‘di ba’t mga kahanga-hangang magulang ang ganoon? Nakakaya nilang basahin ang isip ng kanilang special kids.
Paano nga ba natin sila mauunawaan? Ano nga ba ang nilalaman ng kaisipan ng mga special kids? Kung makakaya lang nilang ipaliwanag, malamang ginawa na nila ‘yun. Upang mas maintindihan n’yo, bibigyan ko kayo ng mga pantulong upang maunawaan n’yo sila kung kayo man ay kanilang kapatid, pinsan, tiyo o tiya, lolo o lola, kapitbahay o kasambahay man.
Ito ang mga nais nilang iparating, ngunit hindi nila kayang sabihin:
- Sorry ha sa aking mga sumpong; hindi naman ako spoiled na bata. Mas bata lang ang aking isip kaysa sa aking panlabas na anyo.
- Nalulula at nalulunod ako sa aking mga nakikita at naririnig. Natuturete ako dahil sa napakasensitibo kong pandinig na tila dagundong ang dating sa akin ng patak ng tubig sa gripo, ang pagtik-tak ng orasan o matining na boses ng ibang tao. Nabibingi ako dahil may loud speaker sa loob ng aking tainga. Ang mahina sa iyo ay nakabibingi na sa akin. Nakasasakit din sa aking mga mata ang napakaliwanag na ilaw; iba ang datng ng mga liwanag sa akin, masakit sa aking mga mata.
- Hindi ako bobo; may angkin din akong galing at talino, pero hindi sa paraang kagaya ng sa iyo. Iba ang perspektibo ko kaya dapat akong matuto mula sa anggulong nakikita ko. Doon mo lang akong puwedeng tulungang matuto; tignan mo ang pinagmumulan ng pagkaunawa ko sa paraang kakayanin ko.
- Huwag kayong magagalit sa mga magulang ko kapag hindi nila ako madalas ipasyal o isama sa inyong bahay. Hindi kasi ako komportable sa papalit-palit na kapaligiran; nalulula ako, natataranta, naliligaw ang aking pakiramdam. Mas kalmado ako sa pamilyar na kapaligiran; mas tahimik. Mas gusto kong nasa aming tahanan ako dahil may routine akong sinusunod sa bawat araw..
- Please naman, habaan ninyo ang inyong pasensiya sa akin. Huwag kayong maiinis. Hindi ko kasi kayang mag-isip nang mabilisan o nang mas malawak. Nagsasala-salabit ang mga antenna sa aking utak. Hindi nagrerehistro agad ang lahat ng inyong sinasabi.
- Oo, mayroon nga akong Autismo, pero hindi nangangahulugan na hindi ako tao! Iba lang ang aking kabuuan kaysa sa inyong mga regular kids. Special nga kasi ako.
- Magulo ang bahay namin; huwag na kayong magtaka. Mas binibigyan kasi ng atensyon ng aking mga magulang ang kapakanan ko kaysa kaayusan ng aming bahay. Mangyari kasi, matakaw ako sa pansin; kailangan akong bantayan nang maigi at maturuan upang hindi maging sobrang palaasa sa iba. Kailangan ko din kasing matutong gumalaw para sa sarili ko sa paraang makakaya ko.
- Kung hindi man ako nagsasalita, hindi iyon nangangahulugan na hindi rin ako nakauunawa. May damdamin din akong nasasaktan katulad mo; nakararamdam din ako mula sa pakikitungo ng mga tao sa aking paligid.
- Gusto kong ipaalam sa aking mga magulang na mahal ko sila, pero hindi ko kayang magpaliwanag ng mga nararamdaman ko eh. Hindi rin kasi ako komportable na lagi akong hinahawakan o niyayapos.
- Alam kong nakapanghihina ako ng loob kadalasan, pero huwag mo naman akong sabihan na wala akong pakinabang, na wala akong silbi dahil lang sa may autismo ako. Kung tuturuan n’yo ako, at pagtitiyagaang matulungang makaagapay sa mundo n’yo, makakaya ko ring gumawa ng mga kamangha-manghang bagay gamit ang aking mga kamay at isipan sa kabila ng aking mga kakulangan o kahinaan sa ilang bagay.
Special nga kasi ako, kaya kailangan ko’y mga special ding kapamilya at kaibigang gaya n’yo!
(O, tara nang magpaka-special. Tignan natin silang muli, pero sa pagkakataong ito, ang pusta ko, mas nauunawaan n’yo na sila, ‘ di ba, mga kaibigan?)
Incoming search terms:
- paano gumawa ng siopao
- cheezy siopao quotes
- pano gumawa ng siopao
- Paggawa ng siopao video
- paggawa ng siopao dough
- paggawa ng masarap na siopao
- paano paggawa ng siopao
- paano gumawa ng special dough siopao
- Paano gumawa ng siopao pinoy style
- paano gumawa ng dough sa siopao