/ ang bagong media ng digital na filipino

Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa [email protected] o i-submit dito. Click Here to Submit

Nang Magising Ang Natutulog Na Dragon

dragon in the philippines

Maraming mga tauhan ng gobyerno na may kasama pang mga sundalo ang dumating sa kanilang maliit na pamayanan.

Lulan sila ng malalaking truck. Ang sabi ng mga ito ay kailangan na nilang lisanin ang lugar na iyon, ang lugar na pinagkukunan nila ng ikabubuhay…ang lupang tahanan ni Apo Namilyari, ang kataas-taasang anito na gumagabay sa kanila.

Kailan lang ay matiwasay silang namumuhay sa bundok na iyon kung saan sagana sa lahat ng bagay na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan. Subalit ngayon ay kailangan na nilang umalis sa itinuring nilang sagradong tahanan mula pa noong panahon ng mga kastila.

Simula kasi noong March 1991 ay marami nang naitatalang paggalaw ng lupa sa nasabing bundok na tahanan ng mga katutubong Aeta.

Nagising na ang natutulog na dragon.

Ang bulkang Pinatubo ay nagmistulang isang dragon na nang magising ay nag-inat kaya nagkaroon ng paggalaw ang lupa. Ito ay sumingasing at nagbuga ng usok mula sa kanyang ilong. Kumalam ang kanyang sikmura kaya dinig kahit sa malayo ang pag-aalburuto nito.

Gising na mula sa matagal na pagkakahimbing ang dambuhala. Nagpagpag ng kanyang pakpak ang dragon kung kaya’t nagliparan ang makapal na alikabok at abo na tumabon sa mga taniman ng mga katutubong aeta.

Kasalanan ito ng PNOC. Kung hindi nila ginambala si Apo Namalyari ay hindi mangyayari ang ganito. Nagalit ang mahal na anito dahil sa pagyurak nila sa kanyang banal na tahanan.”

Tutol ang mga Aeta sa Geothemal Project na ginagawa noon ng PNOC sa dalusdos ng Mt. Pinatubo. Diumano’y tatlumpung kilometro ng makapal na gubat ang kanilang kinalbo upang bigyang-daan ang isang malapad na kalsada na daraanan ng kanilang equipments. Humukay din ang PNOC ng tatlong malalalim na butas sa tagiliran ng Pinatubo.

Iniisip ng mga katutubo na iyon ang dahilan kung bakit nag-aalburuto ang Mt. Pinatubo.

April 1991. Isinagawa ang unang forced evacuation sa mga Aeta na naninirahan sa Mt. Pinatubo.

Nakikitaan na ng pag-aalburuto ang bulkang 500 taon ding nahimbing. Lahat ng naninirahan within 10-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan ay inilikas at dinala sa mga evacuation centers.

Noong June 9, 1991 ay inilikas na rin ang mga taong naninirahan within 20-kilometer radius.

June 10, 1991 naman inilikas ang mga personnel ng Clark Air Base at Subic Naval Base. Karamihan sa kanila ay umuwi na sa USA.

Pinalawig pa ang danger zone hanggang 40 kilometers noong June 12, 1991.

Umabot ng halos animnapung libong tao ang nailikas.

Mula noong unang nagbuga ng usok at abo ang bulkang Pinatubo ay araw-araw nang inaabangan ng lahat kung ano ang mangyayari sa bulkan. Sasabog ba ito? Gaano kaya kalakas?

Alalang-alala ako noon para sa aking mag-ina na nagbabakasyon sa Nueva Ecija. May 27, 1991 isinilang ang aming panganay at ipinasya ng aking asawa na dumoon muna sila sa bahay ng kanyang mga magulang upang masilayan na rin ng mga biyenan ko ang una nilang apo.

June 14, 1991 ay nagdesisyon akong sunduin na ang aking mag-ina. Balitang hindi na mapipigilan ang malakas na pagsabog ng bulkan. Patuloy ang pagbuga nito ng makapal na usok at mga abo.

Gamit ang lumang compact car na Suzuki Fronte, ako at si Abraham, pamangkin kong binata, ay maagang umalis patungong Nueva Ecija. Isinama ko siya upang may tutulong sa akin kung sakaling magka-aberya ang lumang kotse. Malayu-layo rin kasi ang biyahe mula Cavite hanggang Nueva Ecija.

Tanghali na nang makarating kami sa bahay ng mga biyenan ko. Naging maluwalhati naman ang aming biyahe kahit na makulimlim ang langit dahil sa paparating na bagyo.

Doon na kami magpalipas ng gabi. Ako kasi’y naimbitahan ng mga pinsan ni misis sa konting inuman. Nagluto raw sila ng masarap na pulutan. Mahilig sila doong mag-ihaw ng manok palibhasa’y meron silang mga alagang manok. Gabi na natapos ang munting kasiyahan.

Tinabihan ko na sa pagtulog ang aking mag-ina samantalang  nagsabi si Abraham na sa kotse na lang daw siya matutulog.

Nagulat ako kinabukasan dahil nakita ko syang tulog sa sofa sa sala imbes na sa kotse.

Ayon sa kanya, nagising daw siya dahil akala nya ay may nag-uuga ng kotse. Bumangon sya upang malaman kung sino. Pagbangon nya ay wala namang tao. Iyon pala’y lumilindol na ng malakas kaya naisip nyang pumasok na lang sa loob ng bahay at doon matulog.

Maaga kaming gumayak pabalik ng Maynila. Medyo nakakakaba na dahil alas diyes pa lang ng umaga ay akala mo pagabi na. Madilim.

Makapananghalian na kami nakaalis. Nagsisimula nang umulan. Parating na ang bagyong Yunya. Ang buong paligid ay balot ng puting abo.

Magdadala ako ng konting abo para may remembrance. Ipapakita ko sa mga taga Cavite”, sabi ng pamangkin ko na dumakot ng abo.

1:42 ng hapon, June 15, 1991, sumabog ang Mt. Pinatubo.

Kasabay ng erapsyon ang pagbagsak ng Storm Yunya na nagpalala ng sitwasyon. Naghalo ang abong ibinuga ng bulkan at ang tubig ulan. Tinangay ng rumaragasang tubig ang mga volcanic materials na ibinuga ng bulkan. Lahat ng madaanan nito ay wasak.

Nasa expressway na kami noon nang pumutok ang bulkan. Mabagal ang daloy ng trapiko. Kasabay namin ang maraming military trucks na puno ng mga evacuees. At halos lahat ng mga sasakyang galing Norte ay puno ng abo ang mga bubungan. Naging abala ang mga carwash boys sa mga gasolinahan.

Ang pagsabog ng Mt. Pinatubo ay sinasabing pangalawa sa pinakamalakas na pagsabog ng isang bulkan nitong ika-20 siglo. Ang pinakamalakas ay ang pagsabog ng Novarupta Volcano sa Alaska noong June 6, 1912.

Halos umabot sa 800 ang nabuwis na buhay sa pagsabog ng Pinatubo. Ang direktang sanhi ay ang pagguho ng mga istraktura at mga kabahayan dahil sa bigat ng ng mga abong tumabon sa mga ito. Ang mga nasawi ay nabagsakan ng mga gumuhong istruktura.

Hindi lang ang Pilipinas ang naapektuhan ng Mt. Pinatubo eruption kundi maging ang buong mundo. Dahil sa ibinuga nitong sulphur dioxide gas sa atmosphere na bumalot sa earth ay bumaba ng 1degree Fahrenheit ang temperature ng daigdig. Tumagal iyon ng ilang taon.

At dahil sa Mt. Pinatubo ay mas lalong lumaki ang Ozone Layer hole na nasa Antartica.

At sa wakas, nakauwi na kami sa Cavite ng walang aberya bagaman balot na balot ng abo ang aming sasakyan.

Nakita kong itinapon ni Abraham ang isang dakot na abong sana ay ipagyayabang nya sa mga kapitbahay namin.

Ang aming buong barrio ay balot din pala ng makapal na volcanic ash.

1 comments
Abner San Juan
Abner San Juan

Putik!, hinika ako sa dami ng abong nasinghot ko noon.

About the author

Abner Bañares San Juan

I am a simple guy with simple dreams. I dream of becoming wealthy beyond my wildest dreams.

Join Our Mailing List
Like Us on Facebook
happy nurses week