/ ang bagong media ng digital na filipino

Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa info@adobochannel.com o i-submit dito. Click Here to Submit

Mga Ekis sa Kalendaryo

x marks on the calendar

Kasalukuyang binubuklat ni Diana isa-isa ang kalendaryong araw-araw niyang binabantayan, ineekisan niya ang mga numerong napapaloob dito sa tuwing gigising siya sa umaga. 

XXXXX    XXXXXX

Tanda kasi iyon ng pagbabalik ng kanyang Amang nasa America.  Pitong taong gulang si Diana nang ituro sa kanya ng kanyang Ina ang ganoong pamamaraan ng paghihintay.

Nasa buwan na siya ng Agosto, petsa kwatro.  Inekisan na niya ang numerong iyon, tatlong buwan na lamang ay muli na niyang makikita ang kanyang Ama.  Binilang niya ang mga numerong naekisan na, gayun din ang mga numerong eekisan pa lamang.  Kaunting paghihintay na lang.  Ngunit habang papalapit na nang papalapit ang petsa ng pagdating nito, lalong nakararamdam si Diana ng pagkainip.  Ang pakiramdam niya’y mas lalong bumabagal ang pagdaan ng mga araw.

Si Louie, ama ni Diana, ay kasalukuyang nasa America.  Katulad ng kanyang anak, madalas kausap ni Louie ang mga petsa at buwan ng kalendaryo.   Hawak niya ang panulat, inekisan na rin niya ang numero kwatro, buwan pa rin ng Agosto.  Tatlong buwan na lamang ay uuwi na siya ng Pilipinas.  Nasasabik na siya sa kanyang pamilyang uuwian, gusto na niyang mayakap ang kanyang asawa’t anak.  Maaga pa lang ay namimili na siya ng mga gamit na maaari niyang ipasalubong sa kanyang mga mahal sa buhay, nang sa gayun ay wala na siyang ibang gagawin sa kanyang pagbabalik.

Nobyembre a-tres sa America, nasa airport na si Louie.  Pabalik na siya ng Pilipinas, pasakay na siya ng eroplano.  Nobyembre a-kwatro sa Pilipinas, nakatulala si Diana sa loob ng kanyang kwarto, naghihintay sa pagdating ng kanyang ama.

Makalipas ang ilang oras na byahe, nakarating na rin sa Pilipinas si Louie.  Sinundo siya ng kanyang asawa’t anak sa airport; niyakap niya ang mga ito, hinagkan at niyayang kumain sa restaurant.

Lumipas na naman ang isang buong araw, nagpakita na naman ang dilim.  Si Diana, nakatulala pa rin, nakadungaw sa bintana ng kanyang kwarto, nakatitig sa kalsada, nag-aabang pa rin sa kanyang ama. Hindi pa man lumilipas ang isang buong araw, lumapit na siya sa kalendaryong nakasabit sa dingding ng kanyang kwarto, kinuha niya ang marker, inekisan niya ang petsa singko.  Tinitigan niya ang mga numero, lumalabo ang kanyang tingin, dahil iyon sa nagbabadyang pagluha.  Ilang araw na naman ba ang kanyang hinhintaying dumaan, ilang beses ba siya muling mabibigo sa paghihintay.

Matapos ang tatlong buwang bakasyon ni Louie sa Pilipinas, pabalik na siyang muli sa America.  Akay niya ang kanyang anak, hawak sa baywang ang kanyang asawa, oras na naman ng kanyang pamamaalam sa kanyang pamilya.  Hinalikan niya at niyakap ang kanyang asawa’t anak, hinimas niya ang mabilog na tiyan ng kanyang misis, pinakiramdaman ang pagsipa ng sanggol sa loob nito, saka siya kumaway nang matagal at nagpatuloy sa pagpasok sa loob ng airport.

Sabado ng umaga, maagang nagising si Diana, araw ito ng kanyang kaarawan.  Kahit pupungay-pungay pa ang kanyang mata dahil sa puyat, pinilit niyang bumangon.  Kinapa niya ang kanyang tsinelas sa ilalim ng kama gamit ang paa, lumapit siya sa lamesa, nagsuot ng salamin sa mata, kinuha ang marker, binuksan iyon at handa na naman siya sa pagbubura ng isang araw na lumipas sa kalendaryo.  Wala nang tinta ang marker, kinalog-kalog niya iyon, sumulat ito nang malamlam; kasing tamlay ng kanyang mukha.  Saka siya lumapit sa bintana ng kanyang kwarto, pinagmasdan ang papalakas na ambon, ang malamig na samyo ng hangin, papasibol na araw, sumasayaw na mga halaman, umaaawit na mga ibon, mga abalang kapitbahay, ingay ng mga sasakyan.  Lahat ng iyon, nasilayan niya, naramdaman niya, narinig niya.  Malungkot na naman ang kanyang umaga, nangilid ang kanyang luha.

Lumuhod siya paharap sa kanyang kama, sinilip ang ilalim nito, at hinila ang maalikabok na baul.  Kinuha niya ang susi nito sa kanyang drawer, huminga siya nang malalim.  Hinipan ang alikabok, naglakbay ang mga iyon sa loob ng kanyang kwarto; tanda na may katagalan nang panahon na hindi iyon napapansin at nagagalaw.  Binuksan niya ang baul, lalong naglutangan ang mga alikabok.  Kinuha niya ang maraming marker na nasa loob noon, binuksan isa-isa, isinulat sa pakalat-kalat na papel, walang tinta.  Inilabas niya ang mga iyon, binilang, tatlumpu’t tatlong piraso.  Sunod niyang inilabas ang mga kalendaryong nasa loob ng baul, binilang niya rin iyon.  Siyam na piraso.  Simula taong 2004 hanggang 2012.  Inisa-isa niya muling binuklat ang mga pahina nito; simula Enero hanggang Disyembre, puno ng ekis ang bawat araw, walang bakante.

Huminto siya sandali sa kanyang ginagawa, nagpunas ng tumulong luha sa sahig.  Saka niya lang naalalang sampung taon na palang hindi umuuwi ang kanyang ama, sampung taon na siyang naghihintay rito, sampung taon na siyang nag-eekis ng numero sa kalendaryo, sampung taon na siyang umaasa na balang araw ay muli niyang masisilayan ang amang hindi na niya alam kung nasaan.

Napatalikod si Diana upang magpunas ng luha nang narinig niya ang tawag ni Yolanda; Ina ni Diana.  Kinakatok nito ang pinto ng kanyang kwarto.  Tumayo siya at pinagbuksan ang Ina.

“Ready ka na ba para sa party mo mamaya iha?” tanong ng kanyang Ina, sabay napatitig sa mga gamit sa loob ng baul.

Tumango lang nang matipid si Diana, nilingon niya ang baul, gayun din ang kanyang Ina.  Nagkatitigan silang dalawa nang matagal, saka umupo si Yolanda sa harap ng baul, may pagmamadali niyang kinuha ang mga pananda at kalendaryo.

“Ma!” pigil ni Diana.

“Anak! Hindi na babalik ang Papa mo,” paliwanag ng kanyang Ina.

“Babalik pa siya Mama,” pagpipilit niya.

“Hindi na siya babalik Diana,” bahagyang tumaas ang boses ni Yolanda.

“Babalik pa siya Mama, bakit ba ayaw mong maniwala sa akin,” lumakad si Diana papalapit sa bintana.

“Hindi na siya babalik anak, may iba na siyang pamilya, may iba na siyang inuuwian.  Bakit ba ayaw mong maniwala sa mga sinasabi ko sa iyo?” pilit ipinaiintindi ni Yolanda ang sitwasyon nila sa kasalukuyan.

Bigla na lang natahimik si Diana, lumuha ito sa harap ng kanyang ina.  Unti-unti siyang yumakap kay Yolanda, saka siya humagulgol habang sinasabing “babalik pa si Papa.”

“Oo anak, bumabalik siya, madalas, ngunit wala na siyang balak umuwi dito sa bahay natin. May iba na siyang pamilya, kaya huwag mo na siyang hintayin anak,” niyakap niya nang mahigpit si Diana.

Nagpunas silang dalawa ng luha, lumabas na ng kwarto ni Diana si Yolanda.  Humupa na ang lungkot ng umaga ni Diana, gayun din ang kanyang Ina.  Ngayon ang araw ng debut niya, hindi dapat iyon mapigil ng anumang emosyon.  Iniligpit niya ang mga gamit na kanyang inilabas:  Ang baul, susi, marker at kalendaryo.  Tumayo siya at nag-almusal.  Hinarap niya ang araw na para bang walang nangyari, ngumiti, saka pinasigla ang sarili.

Sa gabi ng kanyang kaarawan, dumating ang malalapit niyang mga kaibigan, ang ilang mga kamag-anak at kapitbahay.  Kompleto na sana sila, kaso wala ang kanyang Ama.  Marami ring nagbigay sa kanya ng mga regalo, subalit iba ang regalong galing mismo sa kanyang Ama.  Muli na naman siyang nakaramdam ng lungkot habang nakaharap sa mga bisita, napansin iyon ng kanyang Ina.  Biglang tumahimik ang paligid, napalingon sa kanya ang lahat ng mga tao, nakatitig siya mula sa gate ng kanilang bahay.  May isang lalaking marahang tinatahak ang daan patungo sa kanyang kinaroroonan, may dala iyong isang malaking regalo.  Nakapantalong maong ang lalaki, nakapolo ng kulay puti.  Nag-umpisa nang pumatak ang mga luha ni Diana, inihulog niya sa lupa ang hawak niyang bulaklak, saka siya tumakbo papalapit sa kanyang amang dumating.  Niyakap niya nang mahigpit si Louie, ginantihan din siya ng yakap nito.  Binuhat ni Louie si Diana, at saka pinaikot na para bang isang sanggol.  Hinele niya ito, at pinatulog sa kanyang mga bisig.

Umaambon nang nagising si Diana, basa ang kanyang mukha ng luha.  Hindi totoong nagbalik ang kanyang ama, panaginip lang pala ang lahat.  Tinanaw niya ang mga natanggap niyang regalo kagabi, nasa lapag lamang ang mga iyon.  Tinitigan niya ang kalendaryo sa pader, naroroon pa rin, naghihintay sa kanyang pag-eekis.  Bumangon siya nang dahan-dahan, nag-inat siya, humarap sa salamin, kumuha ng panibagong marker sa kabinet, at saka niya muling inekisan ang petsa ng araw na iyon.  Hanggang sa huling payo ng kanyang ina, sinuway niya ito.  Heto pa rin siya, patuloy na nag-eekis ng mga numero sa kalendaryo, patuloy na umaasang babalik pa ang kanyang Ama.

Hanggang kailan niya iyon gagawin? 

Hanggang sa may pagkasabik siyang nararamdaman, hanggang sa namimiss niya ito, hanggang sa may pagmamahal siyang kayang ipakita, hanggang sa may Ama siyang hinahanap, hanggang sa may lakas pa siyang maghintay. Hangga’t hindi nauubos ang mga iyon, patuloy lang siyang mag-eekis ng mga numero sa kalendaryo.

3 comments
fioalegrejr
fioalegrejr

An amazing story.  It keeps you longing what the ending might be.  Praise to the author.

Arref Infante
Arref Infante like.author.displayName 1 Like

naiyak ako sa story na ito :'( ang hirap kya mg hintay sa di mo alam kung darating pa :'( .....but congrats author galing mo talaga. ;-)

Arref Infante
Arref Infante like.author.displayName 1 Like

naiyak ako sa story na ito :'( ang hirap kya mg hintay sa di mo alam kung darating pa :'( .....but congrats author galing mo talaga. ;-)

About the author

Sherald Salamat

Mababaw lang ang kaligayahan ko; bigyan n’yo ako ng ballpen, papalakpakan ko kayo.  Isang manunulat na nakikipag-usap sa sarili kong imahinasyon, malakas mag-trip, mahilig magpuyat.  Ako ‘yung taong hindi mapipigil ninuman sa pagsusulat kapag nasa kalagitnaan ng pag-iisip, kahit tumatawid ako ng kalsada at masasagasaan na, tuloy lang ako, hindi n’yo ako mapipigil.  Ang ibig ko lang sabihin, ito na ang buhay ko. :)

Join Our Mailing List
Like Us on Facebook
happy nurses week