/ ang bagong media ng digital na filipino

Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa [email protected] o i-submit dito. Click Here to Submit

Kung Ano’ng Puno, … Siya’ng Bunga? H’wag Naman Po!

like father like son

Tumatakbong pauwi si  Junior sa kanilang bahay.  Marami kasing silang asignatura at kakailanganin niya ang saklolo mula sa kanyang inay upang matapos kaagad ang mga ito.  Dangan kasi’y hinahabol niya ang oras; kailangang tapos na ang kanyang mga aralin bago magsimula ang “Juan Dela Cruz” na teleserye ni Coco Martin.  Ito kasi ang paborito niyang panoorin ngayon dahil sa kanyang pakiramdam, siya si Juan na inaalagaan ni Father Sito.  Siya ang magaling at may kapilyuhang bata, ngunit lumamang si Juan ng tatlong paligo.  ^_^

Nadatnan niyang naghahanda ng pagkaing panghapunan ang kaniyang Inay.  Humalik siya dito at uminom muna ng tubig Bago pa man magbihis ng pambahay ay inihatag na niya sa isang panig ng mesa ang kanyang aklat at kuwaderno.  Mahaba-haba kasi ang mga aralin niya ngayon.  Pinaspasan niya ang mga kaya niyang gawin; sa Math, sa Sibika at sa Science.

Sa isip niya, siya si batang Juan Dela Cruz na mabilis at bibo, kaya naman sisiw lang ang mga araling mabilis niyang natapos.  Binuklat niya ang kanyang kuwaderno sa Filipino 4.  Eksakto namang umupo sa kanyang tabi ang kapatid niyang Grade 3 na si Nenita; bitbit ang kanyang coloring book at Crayola.

“Nay, ang hirap ng aralin namin sa Filipino; ipaliwanag ang mga salawikain.  Tulungan nga po ninyo ako,” ang sabi ni Junior sa kanilang Inay.

“Sige, basta ba kaya ko eh,” ang sagot naman ng kanyang Inang si Nena.

“Nay, pang Grade 4 lang ‘to; kayang-kaya mo dapat ito!”  patawa-tawang kantiyaw niya sa ina.

“Ipaliwanag:  Kung ano’ng puno, siyang bunga.”   Napakamot siya sa ulo.  Sa isip niya ay parang madali lang namang intindihin.  “Nay, kung puno iyon ng saging, eh ‘di saging ang bunga, ‘di po ba?” ang mayabang niyang tinuran habang nakangiti sa ina.

“Oo, tama ka doon, pero ang mga salawikain ay may ibang kahulugan na hindi literal.  Tumutukoy sa ibang bagay ang nilalaman niyan,” may ganting-ngiti at yabang rin si Nena sa kanyang anak.  Sa loob niya ay kayang-kaya niyang sagutin ang aralin ni panganay.

“Eh ano nga pong isusulat ko?” kunot-noong tanong ni Junor.  “Ipaliwanag n’yo nga po!”

Palipat-lipat naman ang tingin ni Nenita sa kanyang kuya at nanay; matamang nakikinig ito.

“Halimbawa, kadalasan sa pamilya, kung pulis ang ama, karaniwan nang nagiging pulis din ang anak.  Kung guro ang ina, naiimpluwensiyahan na rin ang mga anak na babae na maging guro din kasi nakamulatan nila ang propesyong iyon sa pamilya.” 

Napapatango ang dalawang anak sa sinasabi ng kanilang ina; tanda na kanila itong nauunawaan.  Proud naman si nanay na nagawa niyang ipaliwanag nang madali ang salawikain.

“Ahhh kaya pala si Mang Berting na magsasaka ay puro magsasaka rin ang mga anak.  Yung kapitbahay nating tindera sa palengke  ay may anak ding tindera sa mall sa bayan,” dahan-dahang pagkukumpara ni Junior bilang pag-unawa sa tinuran ng ina.

Sumabat naman si Nenita.  “Ahh kaya pala Nenita ang pangalan ko kasi Nena si nanay at ako ang maliit na bunga.” Natutuwang pagkaintindi naman ni bunso.  “At ikaw, kuya, naging Junior ni tatay.  Kasi ikaw ang bunga ni tatay!”  hahaha

Tama!” Nag-apiran ang mag-inang Nena at Nenita.  “Ang galing naman ni bunso ko!”

“Kaya lang, Nay, ayaw kong ang puno mo ay magbunga sa akin,” biglang nagkaroon ng alinlangan sa mukha ni Nenita.  “Ayokong maging kagaya mong mananahi na halos hindi na natutulog.  Ayokong maging labandera, kusinera, tagalinis, tagaplantsa.  Puwede po bang ibahin ang bunga, Nay?”  ang inosenteng tanong ni bunso.

Pero bago pa man nakasagot ang na-corner na ina, hayun at biglang bumukas ang pinto at pasuray-suray sa kalasingan na pumasok ang kanilang tatay.  Mabilis na nailigpit ni Junior ang kanyang mga gamit at natatarantang napasabi ng….

“Nay, kung ano’ng puno, hindi po dapat na ganun din ang maging bunga.  Ayoko po….ayoko po….” mangiyak-ngiyak na nasabi ng batang nawalan na ng ganang tapusin ang kanyang aralin.

Napapikit na lamang ang inang walang mahanap sa sagot para sa kanyang anak.

Incoming search terms:

  • kung ano yung puno siya ang bunga meaning
  • kung ano ang puno siya rin ang bunga
  • ipaliwanag kung ano yung puno siya rin ang bunga
  • kung ako ang puno ay siya rin bunga
  • kung ano ang puno siya ang bunga
  • mga quotes sa mga puno
  • salawikain kahulugan
3 comments

About the author

Chumpola Pineda

I’m old enough to be a grandma, but not yet a grandma;  just a doting mom and a childlike daughter to my father.

Just a simple mom, with special kids and a special-needs kid.  ^_^  I am a multi-tasker, cooking while I sew, writing while I sing, cleaning while I bathe.  Lol.  Patience and perseverance are my topmost values and I intend to enjoy life with my kids, my family and friends.  I love everyday and the simple joys worth cherishing day in and day out.

Join Our Mailing List
Like Us on Facebook
happy nurses week