/ ang bagong media ng digital na filipino

Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa info@adobochannel.com o i-submit dito. Click Here to Submit

Inay Anak mo nga ba Ako?

mother and daughter relationship

Anak mo nga ba ako?

Mga katanungan na aking narinig sa bibig mismo ng aking sariling anak. Kung minsan hindi ko lubos na maisip na sa kanya ko pa ito marinig. Isang napakasakit na salita na unti-unting dumudurog sa sugatan ko nang puso. Ito ay isa lamang sa mga katagang namumutawi sa mga anak ng mga OFW. Masakit isipin na sa abroad anak ng ibang tao ang inaalagaan natin samantalang ang sariling anak ay napapabayaan sa kagustuhang matugunan din ang kanilang mga pangangailangan.

Hindi ko mapigilang maglandas ang mga luha sa aking mga mata, pilit kong itinatago sa aking anak pero hindi rin nakaligtas sa paningin n’ya. “Umiiyak ka po ba mama? Humihikbi na rin nyang tanong sabay yakap sa akin. Hindi ko na namamalayang humagulgol na ako at mahigpit na niyakap ang aking anak. Pilit kong pinapakalma ang aking sarili pero hindi ko magawa.

Anak kaya lang naman nag – abroad si mama dahil kung dito lang ako sa atin paano kayo makapag-aral? Paano ko kayo bubuhayin, naiisip mo ba iyon? Kaya h’wag ka sanang magdamdam sa akin. 

Mga katagang pilit kong ipinapaintindi sa aking panganay. Kung aking matatandaan mahigit limang taon din akong nawalay sa kanila na halos ang mga taong iyon ay dapat na nasa tabi nila ako. Ilang okasyon na ba ang hindi ko nadaluhan sa kanilang paaralan, ilang parents meeting na ba ang hindi ko nadaluhan? Sa halip ay ang aking ina na siyang nagbabantay sa kanila (kung tutuusin nga dapat ay nagpapahinga na sa alagain sa edad n’ya). Marami akong mga bagay na hindi nagampanan sa kanila. Buong akala ko ay okey lang total para naman sa kanila ang aking ginagawa.

Mali pala.

Masakit isipin na sariling anak ko hindi ramdam na anak ko sya sapagkat nasanay s’yang lumaki sa piling ng kanyang lola. Hindi man lang n’ya natandaang hinahatid ko pa s’ya sa school nila noong kinder pa s’ya. Tama kinder pa lamang siya noon, at second year na s’ya ngayon. Hamakin mo ba naman ang tagal para maalala pa n’ya. “Babawi ako, kahit ano man ang mangyari pipilitin kong maramdaman nilang ako ang kanilang nanay.” Isa lamang ‘yan sa mga marami kong gustong gawin na kasama ang mga anak ko.

Minsang nagtampo si bunso ay may sarili din s’yang ipinagmamaktol sa akin. Ayaw ng makinig sa sinasabi ko, ako pa ang nagalit. “Ganyan kana ha ngayong malaki kana marunong ka ng lumaban!” mga katagang hindi ko pala dapat sinabi dahil may nakahandang sagot si bunso. “ Bakit ikaw ba nagpalaki sa’min? iniwan mo kami ni ate at si nanay ang nag- alaga sa amin!” Nagulat ako na sa halip na lalo akong magalit ay bigla akong natigilan. Luhaang mga mata ay hindi ko na napigilan. Tama ang mga sinabi n’ya, ngayon ko naramdaman na hindi lahat ng ating nais ibigay sa kanila ay matatanggap nila. Mas kailangan nila ang ating kalinga at pag- aalaga.

Hindi pala porke’t nag- abroad na tayo ay masaya na ang ating mga anak na naiwan. Tinatanggap man nila ang ating buwanang padala ay hindi pa rin sapat sa puso nila sapagkat sa mura nilang isipan ay mas kailangan nila tayo sa kanilang tabi na lagging nakaagapay. Naalala ko ang sabi ng isang kaibigan. “Minsan lang silang naging bata kaya dapat lamang na nasa tabi tayo ng ating mga anak sa kanilang paglaki.” Oo tama minsan nga lamang pero ang sabi ko naman ay “Minsan lang akong may malakas na pangangatawan at makakaya ko pang magtrabaho sa ibang bansa, paano naman ang aming buhay at ang aming kakainin kung hindi ako magtatrabaho?

Ganyan ang buhay ng isang ina na mag-isang nagtataguyod sa mga anak. Hindi ko alam kung saan ako lulugar. Naisip ko kung magtatrabaho ako sa ibang bansa maiiwan na naman ang mga anak ko, kailangan nila ako sa tabi nila. Pero kung hindi naman ako magtatrabaho paano naman ang pag –aaral nila ngayong sila ay malalaki na? Lahat ng agam – agam ay ramdam yan ng kapwa ko OFW lalo pa at wala namang mapapasukang trabaho dito sa Pilipinas. Hanggang kailan kami magtitiis na lunukin na lamang ang mga hinanakit at sakit na kinikimkim na lamang sa sarili?

Wala akong maisip na madaling solusyon, maliban sa pag- a-abroad.

Incoming search terms:

  • inay lunukin
  • magtrabaho sa abroad at iiwan ang anak
  • solusyon para sa nag-aaway na anak at ina
  • Sulat ng Anak sa Ina Na Nasa Ibang Bansa
0 comments
Sort: Newest | Oldest

About the author

Simpling tao, dating OFW na ipinagmamalaki ko. Mahilig magsulat ng mga bagay na nakikita ko at binibigyan ito ng makatotohanang k’wento ayon sa nakikita ko at hindi kathang -isip lamang. Hangad kong makapagbigay saya sa lahat ng makababasa ng mga articles ko, ito ang tanging yamang maipagmamalaki ko sa aking mga anak. maraming salamat po sa oras na ibinahagi n’yo para mabasa ang mga kwento ko. At maraming salamat din sa adobo channel na nagbigay ng chance para makapagshare ng mga articles ko, Godbles us all!

Join Our Mailing List
Like Us on Facebook
happy nurses week