Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa info@adobochannel.com o i-submit dito. Click Here to Submit
Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa info@adobochannel.com o i-submit dito. Click Here to Submit
Kung di mo pa nabasa ang Unang Yugto ng kwentong ito, click here
Tuwing araw ng Sabado ginagawa ang military drills and exercises sa school namin subalit iba ang Sabadong ito.
Wala munang martsa-martsa ngayon dahil mayroong recognition event upang bigyang parangal ang mga exemplary Cadets noong bivouac namin sa Mt. Makiling.
Isang linggo na ang lumipas mula nang kaming mga CAT Cadets ay umuwi galing sa Makiling National Scout Reservation sa Los Baños kung saan anim na kadete ang na-engkanto.
Tinipon kaming lahat na mga kadete sa auditorium at di nagtagal ay sinimulan na ang presentation ng awards. Isa-isang tinawag ang mga kadeteng sa tingin ng “awards committee” ay karapat-dapat parangalan. Isa ako sa mapalad na nabigyan ng medalya.
“Medal of Industry” ang mga katagang nakaukit sa likod ng medalyang ipinagkaloob sa akin. Nakitaan raw nila ako ng kasipagan noong nasa campsite kami. Kung alam lang nila. Na-blackmail lang ako ng mga kaklase ko kaya nagpaalila ako sa kanila. Ginawang taga-saing at taga-hugas ng plato. Kung hindi raw ako susunod ay ilalabas nila ang “baho” ko.
Kung inyong matatandaan, habang nasa bus ay sumakit ang aking tiyan dahil sa pancit na kinain ko at disgrasyang lumabas ang “sama ng loob” dahil di ko nakayang pigilan. At dahil doon ay nagkaroon pa ako ng award hehehe.
Ang classmate kong si Antonio ang pasimuno ng pamba-blackmail sa akin dahil sa kanya pala naikwento ni Ariel ang nangyari sa akin bus. Si Ariel ang katabi ko sa upuan nang mangyari ang pananakit ng tiyan ko. At ang lokong si “Tonyo” ipinang-barter pa ang mga baon kong de-lata sa mga residente sa paanan ng Mt. Makiling. Ipinagpalit nya sa manok na panabong. Wala akong nagawa dahil hawak nya ang “lihim” ko.
Matapos ang awarding ceremony ay tumambay muna kami sa canteen…masayang nagbubuskahan.
“Pameryenda ka naman d’yan, Abner. Kung hindi sa amin wala kang medal”, biro nila Tonyo
“O, eto yung medal, kainin nyo”, ganting biro ko
Nasa kalapit na table naman ang mga babaeng na-possess ng engkanto sa Makiling. Nagkakatuwaan din sila na parang walang nangyaring kababalaghan sa buhay nila. Katunayan ay inalok pa nila ako ng kanilang pagkain.
“Abner, pancit, o.”
Grrrr!
Absent naman yung classmate naming lalake na biktima rin ng engkanto. Nagpapagaling pa raw ito dahil sa mga gasgas at pasang natamo nya nang kaladkarin sya ng di-nakikitang engkanto.
Maya-maya, isang malakas na silbato ang aming narinig. “Prrrrrtttt”. Hudyat iyon na kailangan naming mag-formation. Malamang ay para pormal na kaming i-dismiss.
Hangos ang mga kadete sa pagpila.
“Find your height”, utos ng isang officer.
Maayos na ang formation. Pumwesto na sa aming harapan ang Commandant upang i-deliver ang kanyang mensahe. Nang biglang isa-isang nagtumbahan ang limang babaeng kadete.
Sila yung mga na-possess ng mga engkanto sa Mt.Makiling.
Inaalihan na naman sila ng mga masasamang espiritu.
Nagkagulo. Dinala namin sila sa school clinic subalit hindi malaman ng school nurse kung ano ang gagawin sa mga babaeng napo-possess.
Malalakas ang mga biktima ng engkanto. Ang hirap nilang pigilan.
Sa gitna ng kaguluhan, nakita kong nilapitan ni Tonyo ang aming Commandant. May sinabi sya rito.
Tumawag ng dalawang cadet officer si sir at nag-utos sya sa mga ito. Mabilis namang tumalima ang mga inutasan. Di nagtagal dumating ang mini bus o coaster na pag-aari ng school namin. Sakay nito ang inutusang dalawang officers. Doon pala isasakay ang mga babaeng napo-possess ng evil spirits.
Tumulong kami ni Tonyo sa pagbuhat sa mga kaklase namin at sumama na rin kami sa kung saan sila ipagagamot.
Umupo sa tabi ng driver si sir at si Tonyo na nagsilbing guide papunta sa bahay ng faith healer.
Hindi nagtagal ay narating na namin ang pakay na manggagamot.
Naunang bumaba si Tonyo at pumasok sa isang di-kalakihang bahay. Paglabas nya ay may kasama na syang ilang kalalakihan. Binuhat ng mga ito ang mga kaklase naming babae at ipinasok sa bahay. Sumunod kaming lahat.
“Amang Frank Jesureno” ang pangalan ng manggagamot. Ibinulong sa akin ni sir na tatay pala ni Tonyo ang faith healer. “Oh!” ang tangi kong nasambit.
Sinimulan na ni Amang Frank ang panggagamot. Umusal sya pati na ang mga kasama nyang mga kalalakihan ng panalangin. Isa pang babae ang sumama sa kanilang pagdarasal. Ang babaeng ito raw ang nagsisilbing “medium” upang makausap ni Amang Frank ang Diyos na syang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang makapanggamot.
Nagsimula na namang magwala ang mga engkanto, Epekto marahil ito ng mga orasyon ng grupo ng faith healer. Mabuti na lang at maraming pumipigil sa pagpupumiglas ng mga babae na kakikitaan ng higit sa normal na lakas.
May inipit na kung anong bagay si Amang Frank sa pagitan ng mga daliri ng mga biktima ng engkanto. Lalong nagwala ang mga ito at naghihihiyaw na tila mga hayop. Ibang tinig ang maririnig na lumalabas sa kanilang mga bibig at nanlilisik ang kanilang mga matang katakatakang naging mapula. Nakakapangilabot ang nasasaksihan ko.
May tila abo na ipinahid si Amang Frank sa noo ng mga biktima habang patuloy sa pagdarasal ang mga kasama nya. Kung hindi ako nagkakamali ay abo iyon ng sinunog na benditadong palaspas.
Hindi pa rin tumitigil ang pagpupumiglas ng mga babaeng naengkanto.
“Malalakas ang mga engkanto”, sabi ni Amang Frank
Nagpausok sila ng incenso at kamangyan. Nakaramdam ako ng pagkaliyo marahil ay dahil sa amoy ng mga ito. Nakita kong naglalagay din ng mga puting balahibo ng manok ang manggagamot sa umuusok nang incenso at kamangyan.
Nananakit na ang mga mata ko. Pakiramdam ko’y para akong lalagnatin. Naramdaman kong nagngangalit ang aking mga ngipin. May kakaiba akong nararamdaman sa aking katawan na di ko mawari.
Tinitigan ko si Amang Frank. Hindi ko na gusto ang mga ginagawa nya. Kailangan ko syang pigilan. Bigla akong tumayo sa kinauupuan ko…sinugod ko at dinaluhong si Amang Frank.
Abner…Abner…naririnig kong may tumatawag sa akin. Pamilyar ang tinig. Abner….Abner…tinig ni Tonyo. “Abner, okey ka lang ba?”
Unti-unti kong binuksan ang nananakit ko pang mga mata. Nakapalibot sila sa akin…si Tonyo, si sir , mga cadet officers, ang mga lalaking assistant ni Amang Frank. Maging ang mga babaeng na-engkanto ay nakatingin lahat sa akin. Mukhang okay na sila.
Tinulungan ako ni Tonyong umupo sa isang sofa mula sa pagkakahandusay ko sa sahig.
Sinapian din pala ako ng engkanto. Sabi ni Amang Frank ay napakalakas na engkanto ang pumasok sa katawan ko. May inabot na maliit na papel sa akin ang manggamot.
“Kainin mo”, utos nito sa akin.
“Ha?”
Kainin mo ang papel, Abner”, ulit ni Amang Frank.
Kinuha ko sa kanya ang papel na may nakasulat na mga orasyon. Kinain ko.
Hindi nagtagal ay bumuti na rin ang pakiramdam ko.
Bago kami umalis ay ginarantiyahan ni Amang Frank na hindi na muling manggugulo ang mga engkanto. Malakas ang orasyong ginamit nya para mapalayas ang masasamang espiritu. Sinabihan nya pa kami na palaging magdasal sa Panginoon.
Naiwan na si Tonyo nang umalis kami. Kumaway pa ito. “Kita na lang tayo sa school bukas, Abner.” Tumango ako bilang tugon.
Magmula noon ay naging mabuti ko nang kaibigan ang makulit na si Tonyo.

[...] Para sa Part 2,Click Here [...]