
Malapit na naman pala ang Valentines Day.
Muli ko na namang naalala ang JS prom na kailan man ay hindi ko makakalimutan. Fourth year High School ako noon,sa isang pribadong paaralan sa Pampanga. Ang totoo halos puro may-kaya sa buhay ang nagsisipag-aral doon, pero ako kasi ay naninilbihang katulong sa isang faculty; kaya ako nakapag-aral doon. Mahirap lamang ang aking pamilya, pero dahil nga sa kabutihan ng Guro na kumupkop sa akin; hayan at matatapos na nga ako.
Buwan ng Pebrero noon, itinapat na ang JS prom ay sa gabi ng February 14; mas romantic daw kasi. Ang mga third year ang nagplano. Sila ang nag- aturga sa catering, sa decorations, sa lahat. Nauunawaan kasi nila na abala na kaming mga fourth year, dahil nga malapit na rin kaming magtapos.
Ang mga third year na rin ang namili nang kanilang partners. Dinaan daw nila ito sa palabunutan. Noong mga panahon na iyon ay excited ako. Noong Third year kasi ako ay hindi ako nakasali sa Prom dahil nagkasakit ang Nanay ko; at kinailangan kong umuwi sa probinsiya. Masaya rin ako dahil ipagre-renta daw ako ni Madam ng gown na isusuot para sa gabing iyon.
Siguro, halos lahat kaming magkakaklaseng babae, kahit hindi naming aminin ay hinahangad na mabunot ni Frederick bilang kapareha. Napaka- gwapo kasi ni Fred at napakabait din. Third year pa lamang ito pero ang tangkad, para talagang artista na naligaw sa aming paaralan. Ang husay din niya sa academics, lagi siya sa Dean’s List. Kapag High School Intrams at naglalaro siya ng basketball ay halos pangalan niya ang isinisigaw ng lahat. Lahat na yata nang bagay ay nasa kaniya na, matalino, magaling tumugtog ng piano at violin. Maganda rin siyang magdala ng damit at may-kaya rin ang kaniyang pamilya.
Matagal-tagal ko rin sigurong hinintay ang resulta ng bunutan. Subalit nagimbal ako sa masakit na balita. Pinag-tatanggi-tanggihanan daw ako nga mga lalaking third year. Ang dahilan nila working student daw ako.
Pumapasok kasi ako minsan na siguro amoy ulam. Dahil nga nagtatrabaho din ako ng part-time sa cafeteria. Wala rin kasi akong magagandang damit, dahil nga sa kakapusan sa pera. Ang mga isinusuot ko ay ang mga damit na dating damit ni madam, at nang ibang tao na may busilak na puso. Makikita na talagang naiiba ang aking kabuhayan, kaysa sa mga mayayaman kong kamag-aral. Isa pa sigurong dahilan ang tostado kong balat. Kapag Summer kasi ay nakikigapas rin ako ng palay. Hindi rin ako masyadong matalino, dahil na rin sa kulang ang panahon kong mag-aral.
Ang nangyari pala ay inilagay ang mga pangalan namin sa binilot na papel. Nagpalabunutan ang mga lalaki. Ayaw ako nang nakabunot sa akin kaya sinubukan niya na ipalit sa iba. Tinanggihan rin ako ng pinakikiusapan niya, kaya palihim niyang kinupit ang nabunot ng isa at ipinalit ang papel na may pangalan ko. Nang malaman ito ng pinagpalitan ay nagsuntukan sila.
Lahat sila na tumatangging ka-partner ako ay nadala sa guidance office. Isa lamang ang rason nila kung bakit ayaw nila sa akin. Mabaho raw ako at hindi raw nila ako kapantay. Napaiyak ako sa nalaman ko. Ayaw na sanang ipatuloy ng Third year adviser ang JS prom, nagalit na rin kasi ang adviser ng Fourth year dahil sa inasal ng mga Third years. Pero nagulat ang lahat ng biglang sinabi ni Fred na siya ang magiging kapareha ko. Iyon ang dahilan kaya natuloy ang JS Prom namin.
Halos wala na akong ganang dumalo. Nasaktan ako ng todo, pero siempre ayaw ko naman na ako na naman ang maging paksa ng usapan. Iniiyak ko na lamang ang lahat.Ipinangako ko na lamang sa sarili ko na magsisikap sa buhay para hindi na ako malait ng kahit sino.
Nang mga alas- singko na nang hapon ay pinahinto na ako ni Madam sa pagtatrabaho; matulog raw ako muna ng mga 15 minuto at magpahinga. Pagka gising ay naligo ako at si Madam pa ang nag-ayos sa akin. Siya ang naglagay ng make-up ko at inayos niya ang aking buhok.
Pagkatapos ay ipinasuot niya sa akin ang isang kulay pink na gown. Bagay naman sa akin ang gown, nakita ko na may hubog naman pala ang aking katawan. Kaya lang ay nangibabaw ang kulay ng aking balat. Pero ayos lamang daw iyon sabi ni Madam, maganda raw ako. Kungsabagay, parang naiba nga ang aura ko nang malagyan ako ng make-up. Pamaya-maya ay iniabot sa akin ni Madam ang isang bagong itim na sapatos na de-takong, regalo raw niya iyon sa akin.
Pamaya-maya ng mga 6: 45 na nang gabi ay dumating na si Fred para ako ay sunduin. Ang gwapo ni Fred, parang artista. Parang pakiramdam ko ay hindi ako bagay sa kaniya. Ngunit mabait si Fred at talagang maginoo, ipinaramdam niya sa akin na napaka -espesyal ko.
Sa buong panahon ng program ay hindi niya ako iniwan, inaalalayan niya ako sa pag-upo at pagtayo. Magaling siyang makipag-usap. Sa halos apat na oras na itinagal ng pagtitipon ay marami kaming napag-usapan. Naikwento niya sa akin ang tungkol sa kaniyang pamilya, gayon din ang mga pangarap niya sa buhay. Ako man ay ibinahagi ko na rin sa kaniya ang ilan sa aking mga karanasan. Naging napakasaya at napaka-makabuluhan ng JS na iyon para sa akin.
Nang inihatid niya ako sa aking tinitirhan, pagkatapos ng pagtitipon ay nagpasalamat pa siya sa akin; naging masaya raw ang kaniyang gabi. Sinabi ko rin sa kaniya na hindi ko siya makakalimutan dahil sa naging napaka- espesyal ko nang gabing iyon.
Nakatapos ako ng Haiskul at nagulat ako dahil pinagkalooban pa ako ni Fred ng regalo. Ibinigay niya sa akin ang kaniyang relo, bigay daw iyon ng Mommy niya galing sa France; remembrance raw niya sa akin. Naging baon ko sa aking pagpupunyagi sa buhay at kahirapan ang pait at sakit nang karanasan kong iyon.
Isa na akong guro ngayon at mayroon na ring sariling pamilya. Pero nakatatak pa rin sa aking isipan ang hindi malilimutang JS prom. Dahil ang lalaki na aking naging kapareha sa JS Prom ay siya ring lalaki na naghatid sa akin sa altar at siya ring ama ng aking dalawang anak.
Incoming search terms:
- ang aking js prom
- quotes about js prom
- mga karanasan sa js prom
- kwento tungkol sa isang js prom
- kasabihan tungkol sa prom
- karanasan sa js prom
- js prom quotes
- hindi malilimutang
- ano nga ba ang js prom?
- ano ang karanasang hindi malilimutan tungkol sa pag ibig