Gusto n'yo po bang malathala ang inyong akda sa AdoboChannel? Send n'yo lang po sa [email protected] o i-submit dito. Click Here to Submit

“Ang Dalaginding” 4 /Pagwawakas

teenager na pinoy

 

Part 1 (May 27,2013)

Part 2 (June 3,2013)

Part 3 (June 10, 2013)

Sa biyaheng pauwi

Sa pagdating ng Biyernes, eto na ang pakiramdang excited nang makauwi.  Yahoo!  Matitikman na naman ang masarap na luto ni Nanay.  Magiging anak na naman akong muli at magiging bunso sa piling nilang lahat.  Parang naririnig ko na ang ingay ng aking tatlong kuya.

“Bitchoooooooo!”  sasalubong ng pang-aasar si Kuyang panganay.

Kakayyyy ko!” ang malambing naman na tawag ni Kuyang pangalawa; nakahanda na ang dalawang brasong yayapos sa akin nang mahigpit sabay halik sa aking buhok.

Kakayeeeeee!” ang nakatutulig at pabulabog namang pag-entra ng kuya kong pangatlo; sasabayan pa ng panggugulo sa napakaganda kong long hair, huhuhu.  Magmimistula itong kinalahig ng manok, kaya’t gaganti naman ako ng panggugulo rin sa kanyang buhok.  Akala niya siya lang ang marunong niyan!!!  Rambulan naaaaa!!!

Hayyy!  Lalo tuloy akong na-homesick.   Ang nakaiinis lang, parang napakabagal ng oras tuwing Biyernes.  Bakit kaya?   Parang nababagalan din ako sa pagsasalita ng aming mga guro tuwing Biyernes. J

Dalian n’yo na po,’ sabi ng aking isip.  ‘Uwing-uwi na po ako; tatlong linggo akong hindi nakauwi dahil sa dami ng kinailangang gawin at tapusin para sa finals. Huhuhu.’

“Buzzzzzzz….!”  Ayan na nga!  Makauuwi na ako!

Bigla akong nagkaroon ng pakpak sa aking mga paa.  Madali akong nakabalik sa aming apartment upang kunin ang nakahanda ko nang gamit sa pagbiyahe.  Naroon na ang iba kong housemates at masiglang paalamanan na.  Palitan na ng ‘ingat ka sa pag-uwi ha.  God bless you!’

Nang nakasakay na ako sa bus biyaheng pa-Alabang, umusal na ako ng pasasalamat at madali akong nakasakay.  Sinabayan ko na ng panalangin ng paghingi ng pangangalaga at kaligtasan sa aming pagbibiyahe.  Pilit kong ipapahinga ang aking katawan at baka sakaling makaidlip.  Ngunit kadalasan ay naglalaway na ako sa sopas na creamy ni Nanay o kaya’y sinigang na napakasarap at napakaasim.  Hindi ko maiwasang isipin na makakatabi ko siyang muli sa pagtulog.  Muli akong magiging bata sa kanyang haplos at yakap.  Magkukuwentuhan na naman kami hanggang sa makatulog o kaya’y manonood ng pelikula sa Cinema one nang magkatabi.

At siyempre, magkukulitan na naman kami ng aking mga kapatid sa loob ng dalawang araw.  Manlilibre si Kuyang panganay ng ice cream,, donuts o pizza dahil, siyempre, kumpleto kami at naroon ang nag-iisang prinsesang maganda eh.  Hahaha

Naku…naputol ang aking masayang pagmumuni-muni.  May sumakay na batang babae na tila nasa edad dose o katorse.  Marami siyang burloloy sa buhok at may mga supot na hawak.  Naaninag ko ang ilang tinapay at biskuwit. May saging at ponkan rin.  Tumayo siya sa gitna at nagsalita.  Ganito, humigit-kumulang, ang kanyang sinabi:

“Magandang hapon sa inyong lahat.  Ako si Marissa, nakikiusap sa inyo ngayon na sana ay abutan ninyo ako ng tulong sa abot ng inyong makakaya at bukal sa inyong kalooban.  Naisip kong gawin ito kaysa ako ay magnakaw dahil masama iyon.  May mga magulang pa naman ako, pero wala silang trabaho at hirap silang pakainin kaming lahat ng aking mga kapatid.  Anim po kami at walang nag-aaral sa amin.  Anuman po ang inyong maibibigay ay taus-puso kong pinasasalamatan.  Kahit po barya lang o kaya’y pagkain upang hindi na ako mapilitang magnakaw o gumawa ng masama.  Marami pong salamat.”

Namangha naman ako sa husay niyang magsalita nang tuloy-tuloy; mukhang memoryado na niya ito dahil para lang siyang tumutula.  Naisip kong baka ito ngayon ang raket ng mga sindikatong nag-aalaga ng mga bata dahil hindi na pumatok ang ‘sobre epek’ na siyang naging palasak na gawain ng mga umaakyat na bata sa mga bus o dyip.

Sa isang banda, naisip ko rin ‘paano kung sadyang matapat na paglalahad ang ginawa ng bata?’  Ibinigay ko na lamang ang biskuwit na akin sanang kakainin sa biyahe.  Mabuti na rin siguro yung pagkain kaysa pera.  Pagkatanggap niya ay nagsabi siya ng ‘God bless you, Ate.’  Napangiti na lang ako.

Ang hirap na rin namang maging maunawain at maawain ngayon dahil sa dami ng mga manloloko at abusado.  Mas pinipili ng nanay kong sumali kami sa mga gawaing pangkomunidad, sa mga feeding mission at ala-kariton klasrum ni Kuya Efren Penaflorida.  Sigurado kasing mga nangangailangan ang naroon at hindi sindikato.

Grabe!  Na-imagine ko tuloy;  paano kung ako ang batang iyun?  Hay naku… Napakarami ko talagang ipinagpapasalamat sa Ama nating lahat.  Ang suwerte ko talaga sa kabila ng maraming taon din naming pagtitiis sa kakaunti.

Nakaranas kami ng pangungutang sa bumbay, sa lending, sa kung saan-saan, makapagpatuloy lamang kami ng pag-aaral.  Lahat kami ay nakaranas mapatigil sa iba-ibang panahon, nagsalo sa abang pagkain, nagsihanap ng puwedeng mapagtrabahuhan upang mapagtulung-tulungan namin ang aming mga suliranin sa pananalapi.  Nakatapos si Kuyang panganay at tumulong siya kay Nanay.

Natatapos din pala ang mauulap na kalagayan, basta’t mananatiling matapang at nagdadamayan ang buong pamilya kahit nawala ang haligi ng tahanan. Napakatapang kasi ni Nanay; napakasipag, matiyaga, mahaba ang pasensiya at laging positibo ang pananaw at mga sinasabi.  Nakahahawang katatagan!  Kaya naman nadala naming lahat ang kanyang ipinakitang halimbawa.  Kaya naman labis-labis namin siyang minamahal.  Hinubog at inihanda niya kami sa magandang kinabukasan.  Kampante akong lahat kami ay magkakaroon ng mabuting buhay sa gabay ng Nanay at ng aming pinananaligang Diyos.

Dumating na sa Alabang ang bus namin at isa ako sa nagmamadaling makababa.  Pauwi na ako!  Malapit na!!!  Ang saya-saya!  ^_^

——————-

Nagsalitan ang ngiti at luha sa kanyang pisngi.  Akala niya’y asignatura ng kanyang anak ang kanyang nabasa sa kuwadernong napulot niya sa sahig sa gilid ng kama ng kanyang dalaginding na mahimbing na nakatulog.  Marahil ay nagsusulat ito at nakatulugan ang ginagawa; tangan pa rin kasi nito ang panulat na bolpen at padapang nakahiga.

Hinaplos-haplos niya nang napakarahan ang buhok ng kanyang dalaginding.  Tila pelikulang naglaro sa kanyang kamalayan ang pagdating nito sa kanyang buhay hanggang sa paglaki nito ngayon.  Masipag itong magsabi ng “I love you, Nay,” gaya ng kanyang mga kuya, ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay tila nabigyan siya ng medalya ng karangalan dahil sa nabasa niyang akda ng kanyang anak na ito.

Kung nabasa niya ang ‘Dear Diary’ sa kuwadernong ito, mapabalat man o sa pahina, hinding-hindi niya ito magagawang basahin sapagkat malinaw na batas sa kanilang pamilya ang salitang ‘privacy” kahit sa computer.  Ngunit ‘Sa ilalim ng puno’ ang una niyang nakita sa kanyang pagdampot sa kuwaderno at sa pangalawang tingin ay nakita niya ang ‘Ayan!  Namiss ko tuloy ang aking mga kuyang makukulit.  ^_^’

Tila nabatu-balani siya at hindi na niya namalayang natapos niya itong basahin.  Napakasarap ng kanyang nararamdaman.  Para siyang lumulutang sa ulap; totoo pala  iyun. Nabura lahat-lahat ng hirap at pagod sa kanyang puso’t katawan, at hindi niya napigilan ang sariling yakapin sa kanyang dibdib ang kuwadernong may pabalat na ‘Hello Kitty” at ang pamagat na isinulat ng kanyang dalaginding sa paunang pahina; Moments worth cherishing.

Humiga ako sa kanyang tabi at yumapos sa kanya; tila naririnig ko ang awiting binuo ko para sa kanila kapag sila’y aking ipinaghehele noon…

      “Dugo ng aking dugo, laman ng aking laman; hindi ipagpapalit sa kahit na anong kayamanan….

Part 1 (May 27,2013)

Part 2 (June 3,2013)

Part 3 (June 10, 2013)

 

Incoming search terms:

  • dalaginding buod
  • ang dalaginding suliranin
  • ang dalaginding kumpletong buod
  • tauhan sa kwentong ang dalaginding
  • tauhan ng ang dalaginding
  • summary ng ang dalaginding
  • suliranin sa kwentong ang dalaginding
  • sample slide on kwentong dalaginding
  • kasingkahulugan ng dalaginding
  • kahulugan ng dalaginding
0 comments

Trackbacks

  1. [...] Part 4 (The End) (June 17, 2013) [...]

About the author

Chumpola Pineda

I’m old enough to be a grandma, but not yet a grandma;  just a doting mom and a childlike daughter to my father.

Just a simple mom, with special kids and a special-needs kid.  ^_^  I am a multi-tasker, cooking while I sew, writing while I sing, cleaning while I bathe.  Lol.  Patience and perseverance are my topmost values and I intend to enjoy life with my kids, my family and friends.  I love everyday and the simple joys worth cherishing day in and day out.

Join Our Mailing List
Like Us on Facebook